AdSense

Monday, October 22, 2012

Talambuhay ni San Pedro Calungsod, Ang Ikalawang Pilipinong Santo


Si Pedro Calungsod (c. 1654 – 2 Abril 1672) ay isang Pilipinong Katolikong martir. Isa siyang akolito sa Hesuwitang misyonero na si Diego Luis de San Vitores na kasama niyang pinatay ng dalawang tubong Chamorro habang nangangaral ng Kristiyanismo sa Marianas Islands (na Guam ngayon). Noong 5 Marso 2000, si Calungsod ang ikalawang Pilipinong ginawang beato ni Papa Juan Pablo II, at una matapos ni San Lorenzo Ruiz noong 1981. Nakatakdang gawing ganap na santo si Calungsod sa 21 Oktubre 2012 ni Papa Benedicto XVI sa Vatican sa Roma.

Buhay
Ipinanganak si Calungsod noong 1654. Apat na bayan sa Bisayas ang nagsasabing pinanggalingan niya: Ginatilan at Tuburan sa Cebu, Loboc sa Bohol, at Leon sa Iloilo. Isang tradisyong sabi-sabi ang nagsasaad tungkol sa pamilya Calunsod mula sa Leon na ipinahahayag na “isang matagal nang ninuno ang sumama sa mga nisyonaryong Hesuwitas na naghahanap-buhay sa isang isla malapit sa Hawaii.
Nakapag-aral si Calungsod sa isang paaralang pinalalakad ng mga Hesuwitas para sa mga kalalakihan kung saan natutuhan niya nang husto ang katekismo at makipag-usap sa wikang Espanyol at Chamorro. Nahasa rin siya sa pagguhit, pagpinta, pag-awit, pag-arte, at pagkakarpintero. Nagpamalas ng natatanging kakayahan si Calungsod nang magsilbi siya sa Banal na Misa ayon sa Tridentine Rite na gumagamit ng wikang Latino.
Nang tumuntong ng labing apat na taon, isa si Calungsod sa mga pinakabatang katekista at sakristan na piniling makasama ng mga Hesuwitas sa kanilang misyon sa Chamorros sa Isla ng Ladrones (Isla de los Ladrones o Isla ng mga Magnanakaw) na tinawag na Marianas nang maglaon (Las Islas de Mariana) noong 1667 bilang pagbibigay-pugay kay Reyna Maria Ana ng Austria na tumulong maisakatuparan ang misyon.

Pedro Calungsor
Ayon sa isang tala, may isang katu-katulong sa simbahan noon si Padre Diego de Luis San Vitores na may pangalang Pedro Calungsor. Nakaligtas siya sa paglubog ng Buestra Señora dela Concepcion noong 1638 sa may baybayin ng Saipan (pinakamalaki sa mga isla ng Marianas) at nanirahan sa isla sa loob ng tatlumpung taon kung saan nagkaroon siya ng asawa at anak na babae na siyang unang nabinyagan sa mga Chamorro.
Sinasabing si Calungsor ang naging kaagapay at tagasalin ni de San Vitore nang unang dumating ang mga Hesuwita sa isla subali't tumakas si Calungsor. Bumalik si de San Vitore sa Pilipinas kung saan niya natagpuan ang bagong kaagapay sa katauhan ng batang si Pedro Calungsod.

Misyon
Noong 15 Hunyo 1668, dumating si Calungsod kasama ng mga misyonerong Hesuwita sakay ng barkong San Diego. Nangaral sila tungkol sa Katolisismo at nagbinyag ng mga pamilya roon nguni't nagkakasalungat sa mga paniniwala, tradisyon at kulturang Chamorro.
Isa sa mga kailangan nilang harapin noon ang “Guma' Uritao” (bahay ng nga kalalakihan) na sinasabing lugar ng prostitusyon. Sa mga bahay na ito tinuturuan ang mga batang lalaki ng mga gawaing itinuturing na panlalaki gaya ng paggawa ng bangka, pamamangka, paggawa ng mga kagamitan, pangingisda, at pakikipagtalki na itinuturo naman ng mga kababaihan.
Ipinag-utos ng mga misyonero ang pagpapasunog at pagpapagiba sa mga Guma' Uritaos, at itinayo ang Colegio de San Juan de Letran para sa mga lalaki at Escuela de Niñas para sa mga babae.
Hindi naging madali ang pagtanggap ng mga tagaroon ang pangangaral ng mga misyonero. Isang Tsino ang nagngangalang Choco, dati ring nakaligtas sa lumubog na barko at napunta sa Marianas dalawang dekada bago dumating ang mga misyonero, ang sinasabing nagpakalat ng balitang nakapagdudulot ng kamatayan sa tao ang pagbibinyag sa tubig at paglalagay ng langis sa noo. Pinasungalingan ni Choco ang kanyang mga sinabi at nabinyagan din matapos ang isang buong araw na pagtatalo kay de San Vitores. Hindi naglaon, nangaral din si Choco ng Katolisismo.

Kamatayan
Nagpatuloy ang mga usap-usapan na naging banta sa buhay ni Calungsod. Noong 2 Abril 1672, kasama ni Calungsod si de San Vitores para binyagan ang mga taga-Tomhon nang tumanggi ang isang dating Kristiyanong binyagan na binyagan ang kanyang anak na babae. Ipinag-utos ng pinuno ng tribu na patayin ang Hesuwitang pari.
Dahil kasama si Calungsod sa mga gawain ng Sacramento ng Pagbibinyag, una siyang inatake ng dalawang katutubo. Bagama't may kalakasan, umiwas lamang si Calungasod sa mga pagsugod at piniling huwag lumaban bilang pagsunod sa mga aral ng Kristiyanismo. Sa halip na tumakbo, prinotektahan niya ang pari at tinamaan siya ng sibat. Binigyan siya ng absolusyon ni de San Vitores bago namatay ang paring Hesuwita. Pinutol ang kanilang mga katawan at itinapon sa dagat sa Tomhom (Tumon ngayon).

Beatipikasyon
Nalaman lamang ng mga Pilipino ang buhay at kabanalan ni Calungsod nang mabeatipika si de San Vitore noong Oktubre 1985. Sa pangunguna ni Ricardo Cardinal Vidal, Arsobispo ng Cebu, sinimulan ang mga proseso ngbeatipikasyon kay Calungsod noong 1994. At noong 1997, inaprubahan ng Vatican Sacred Congregation for the Causes of the Saints ang resulta ng mga unang proseso. Isang positio o talambuhay ni Calungsod ang kinailangan ng Vatican at natapos at inaprubahan noong 1999.
Pinarangalan ni Papa Juan Pablo II si Calungsod noong 27 Enero 2000 at kanyang idineklarang banal noong 2 Abril ng taon ding iyon. Idineklara ng Santo Papa ang petsang iyon bulang “Araw ni Pedro Calungsod.”

Pagtatanghal bilang ganap na santo
Nakatakdang itanghal bilang ganap na santo si Calungsod sa 21 Oktubre 2012. Siya ang magiging ikalawang Pilipinong santo, Ipinahayag ng kalihim ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na si Padre Marvin Mejia na maaaring gawing patron si Calungsod ng kabataang Pilipino o ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Maaaring itanghal na santo ang beato matapos aprubahan ang mga himalang inuugnay sa kanya. Sa kaso ni Calungsod, maraming tao ang nanalangin sa kanya at nagpatunay sa mga himalang kanyang nagawa.
Isang kwento ng isang batang lalaki na may kanser sa buto sa paa ang gumaling nang nanalangin kay Calungsod bilang payo ng kanyang pari at direktor espiritwal.
Isang biktima ng pangingidnap ang nanalangin din kay Calungsod na mailigtas siya mula sa kamatayan at pinalaya ng mga dumakip sa kanya. Lumabas na nagkamali pala sila ng dinakip.
Nanalangin din ang babaeng anak ng isang manginginom na balo na hindi magkaroon ng hanap-buhay. Matapos nito, nabawasan ang pag-inom ng kanyang ama at nagkaroon ng magandang trabaho at bagong asawa at nagkaroon ng panibagong buhay.

Panalangin kay Pedro Calungsod
 “O Beato Calungsod, batang manlalakbay, mag-aaral, katekista, misyonero, tapat na kaibigan, martir, loob nami’y iyong pinalalakas sa iyong katapatan sa panahon ng pag-uusig; sa iyong tapang na ituro ang pananampalataya sa gitna ng pagkamuhi; at sa ngalan ng pag-ibig, dugo mo’y dumanak alang-alang sa Mabuting Balita.
“Angkinin mo ang aming alalahanin at agam-agam (ilahad ang kahilingan) at ipamagitan kami sa harap ng luklukan ng Awa at Biyaya upang sa aming pagkakamit ng tulong ng Langit ang Mabuting Balitay lakas loob naming ipahayag at isabuhay dito sa daigdig. Amen.”

3 comments:

  1. Maraming salamat po , kailangan ko po ito PRA, maituro sa Sunday schooling ng mga bata .

    ReplyDelete

Adsense

AdSense